amaliarosales

Thursday, January 11, 2007

SI RIZAL AT SIKOLOHIYA

SI RIZAL AT SIKOLOHIYA


Ni Amalia Cullarin Rosales

Papel na binasa sa kumperensitya sa paggunita sa Sentenyal ng Kamatayan ni Dr. Jose Rizal, Disyembre 27-29, 1996 sa Pamantasan ng Pilipinas.

____________________________________________________

I.. PANIMULA

Sa paggunita sa ika-100 taon ng kamatayna ni Dr. Jose Rizal, iba’t-ibang pamamaraan ang isinasagawa ng mga kumikilala, naniniwala at nagtataguyod sa kanya bilang isang dakilang Pilipino. Higit kailanman, nag-ibayo sa panahong ito ang pag-aaral at pagsasaliksik kaugnay ng buhay, mga gawain at kaisipan ng dakilang Malayong ito na ang murang buhay ay walang awang kinitl ng mga dayuhan namuhi sa kanya, sanhi ng mga kaisipang binigyan daan niya sa pamamagitan ng kanyang pluma. Hindi man siya pumalaot sa larangan ng madugong pakikihamok, ang ningas na dala ng kanyang mga sinulat ay nagbigay ng matinding alab sa puso ng bawa’t isang Pilipino na nagmamahal hindi lamang sa kalayaan kundi higit ay sa dignidad o dangal ng kanilang pagkatao.

Si Rizal ay lahat-lahat na. Bilangin at isa-isahin natin ang mga titk ng alpabeto, English man o Pilipino, hindi mauubusan ng larangan o katawagan na maiiugnay kay Dr. Rizal.

Ayon kay dalmacio T. Granada, isang Pilipinong balikbayan noong 1975, si Rizal ay ang mga sumusunod:

1. anthropologist and agriculturist

2. biologist

3. chemist and cartographer

4. doctor and disciplinarian

5. educator and entomologist

6. fiscalizer

7. grammarian

8. historian and humanist

9. internationalist

10. journalist

11. keen intellectual

12. linguist

13. musician

14. novelist

15. orator

16. poet

17. quiescent man during his execution

18. reformist

19. sculptor, scholar, scientist, satirist

20. traveler

21. unifying force among his fellowmen

22. veterinarian

23. wedge that opened the libertarian cause

24. xylographer

25. yeoman

26. zealot

Sa letrang P, sa alpabetong English nais kong idagdag ang pagiging psychologist o sikolohista ni Rizal. Si Rizal, bilang sikolohista ang nais kong bigyan ng pansin sa pagkakataong ito.

II. SI RIZAL BILANG SIKOLOHISTA

Ano ang patunay na si Rizal ay isang sikolohista? Walang iba kundi ang kanyang sanaysay na pinamagatan niyang Ang Katamaran ng mga Pilipino, na nalathala sa La Solidaridad noong HUlyo 15 at Setyembre 15, 1889. Ang sanaysay na ito bni Rizal ay isang malinaw na exposition ng isang teoryang sikolohikal kaugnay ng isang karakter ng mga Pilipino – ang katamaran. Ang sanaysay na ito ay isang malalim na pag-aaral sa pagkakakilala ng mga Kastila sa mga Pilipino bilang mga tamad na tao. Sa sanaysay na ito ay inilatag ni Rizal ang kanyang teorya ng motibasyon.

III ANG SIKOLOHIYA SA PANAHON NI RIZAL

Sa panahon ni Rizal, pinaniniwalaan na ang sikolohiya ay naging bahagi ng pag-aaral noong ika-17 siglio sa Pilipinas sa Pamantasan ng Sto. Tomas at sa San carlos sa lungsod ng Cebu. Sapagka’t bahagi ng tradisyong

pang-akademya sa Europa ang sikolohiyang pilosopikal (philosophical psychology) ito ay dinala sa Pilipinas ng mga paring Kastila.

Nanag maglakbay si Rizal sa Europa noong 1882, ay sikolohiya bilang isang agham ay nagsisimula nang makilala at maging popular na larangan ng pag-aaral sa Leipzig. Sa panahong ito, isa sa maraming aklat na nabili ni Rizal ay ang Los Cuatros Reynos dela Naturaliza, isang aklat sa sikolohiya.

Noong Oktubre 29, 1886, dumating si Rizal sa Berlin. Ito ang panahon na ang mga dakilang sikolohista gaya nina Wertheimer, Koffka at Kohler ay nagtatag ng tinatawag na Gestalt School bilang protesta sa umiiral na scientific approach to analysis na nakahiwalay sa human values na nag-iinterpreta ng penomena bilang organized wholes rather than aggregates of distinct parts. Nagbigay ng maqhalagang ambag ang paaralang ito sa pag-aaral ng memorya, pag-iisip at personalidad ng tao at motibasyon.

III. SI RIZAL AT ANG KATAMARAN NG MGA PILIPINO

Sa kanyang panahon, nasasajktan si Rizal sa tuwing maririnig na ang mga Pilipino ay tinatawag na tamad ng mga dayuhang mananakop. Sapagka’t likas ang pagpapahalaga ni Rizal sa kanyang mga kalahi, hindi maiwasang siya ay mabahala sa kaisipang nakakintal sa isip ng mga Kastila na ang mga Pilipino ay mga tamad na tao. Dalawang katanungan ang bumabagabag kay Rizal. Mga katanungang inihahanap niya ng kasagutan. Sa pag-aanalisa sa kalagayan ng kanyang mga kababayan, makikita ang isang pagiging isang tunay na sikolohista ni Rizal.

Ang dalawang katanungan na inihatag ni Rizal sa kanyang sanaysay ay ang mga sumusunod:

1. Ang mga Pilipino ba ay tunaty na tamad?

2. Kung sila ay mga tamad, ano ang dahilan ng kanilang katamaran?

Bilang tagapagtanggol ng kanyang mga kababayan, ibinigay ni Rizal ang mga sumusunod na dahilan sa sinasabing pagiging tamad ngmga Pilipino:

1. Ang pagiging tamad ng mga Pilipino ay bunga ng kaguluhan at kawalan ng pagsulong ng lipunan;

2. Ang katamaran ay bunga ng klima at kalikasan;

3. Ang katamaran ay hindi minamana o namamana;

4. Ang mababang pagtingin ng mga Kastila sa manual labor ay sanhi ng katamaran ng nmga Pilipino;

5. Matinding epekto ng paniniwala sa himala;

6. Diskriminasyong pangkulay o racial discrimination;

7. Ang pagbebenta sa mga Indio ; at,

8. Sapilitang paggawa.

Ngayon, isa-isahin nating tingnan ang mga katwiran ni Rizal sa sinasabing katamaran ng mga Pilipino.

Sa sinabi ni Rizal na ang pagiging tamad ng mga Pilipino ay bunga ng kaguluhan at kawalan ng pagsulong ng lipunan, ito ay isang katotohanan. Paano sisipagin ang mga mamamayan sa panahon ng mga Kastila kung wala silang katiyakan sa maaaring mangyari sa kanilang mga lugal na tinitirahan sanhi ng pabugso-bugsong pag-alsa at pagsalakay ng mga pirata? Paano sisipagin ang mga mamamyan kung wala silang nakikitang pagsulong sa kanilang lipunan; kung ang umuunlad lamang ay ang mga mananakop at ang mga tunay na may karapatan sa lupaing kinankam ng mga dayuhan ay nananatiling busabos at walang kabuhayan?

Ang katamaran ay bunga ng klima at kalikasan. Likas na mainit ang klima sa Pilipinas sapagka’t ang bansa ay nasa tropical zone. Sapagka’t mainit ang klima, ang mga Pilipino ay namamahinga kapag mataas na ang sikat ng araw at hindi na makayanan ng kanilang mga balat ang tindi nito. Subali’t hindi pa rin sila masasabing mga tamad sapagka’t sila ay maagang nagtutungo sa kanilang mga gawain sa bukid upang maisagawa ang kanuilang trabaho habang hindi pa nakapapaso ang sikat ng araw. Sa kabila ng aping kalgayan ng mga Pilipino, at sa kabila ng alam nila na ang pamahalaan ang makikinabang sa higit na malaking bahagi ng kanilang pinagpaguran ay matiyaga pa rin silang nagtratrabaho. Hindi nila iniisip na sila ay inaapi. Na sa kalagayang panlipunan at pangkabuhayan, sila ay laging naaabuso. Ang sabi pa ni Rizal, sino ba ang tamad? Ang mga Pilipino na maaga pa ay nasa kanila ng mga gawain o ang mga Europeo na tanghali na kung magsipasok sa kanilang mga tanggapan at maaga pa ring umaalis? Sino ang tamad? Ang mga Pilipino na huindi umaasa sa ibang tao o ang mga Europeo na may tagapayong at tagapaypay ?

Sinabi ni Rizal na ang katamaran ay hindi namamana o minamana. Totoo ito. Bagama’t isang chronic malady, ayon kay Rizal ang katamaran, ito naman ay hindi minana. Bago dumating ang mga mananakop, ang mga katutubo ay masipag, may maayos silang pamumuhay. Subali’t sa pagdating ng mga dayuhan at sila ay inilagay sa isang hindi kaaya-ayang kalagayan, nalimutan nila ang kanilang mga hanapbuhay gaya ng pagsasaka, pagmamanukan at paghahayupan at paghahabi ng mga kumot. Ito ay maaasahan lamang na normal na reaksyon ng mga taong naghihimagsik ang kalooban sapagka’t hindi nila pinakikinabangan ng lubusan ang bunga ng kanilang pinagpawisan.

Mababa ang pagtingin ng mga Kastila sa paggawa o manual labor. Para sa kanila, mga may kulay at alipin lamang ang nararapat na gumawa nito. Dahil dito ay natanim sa kaisipan ng mga katutubo na mababa ang gawaing manual kaya ito ay kanilang iniiwasan at kinatatakutan.

Ang paniniwala sa himala ay iminulat ng mga Kastila sa mga katutubo. Dahil dito, naging tamad ang mga Pilipino. Sanhi ng kanilang kamangmangan, napaniwala sila ng mga Kastila na ang lahat nilang nais sa buhay ay makakamit nila sa pamamagitan ng pagdarasal at pakikinig ng misa. Pinaniwala nila ang mga Pilipino na ang mga pananim ay mananagana kahit na walang patubig sapagka’t ang Panginoon ay magbibigay sa kanila ng himala.

Naniniwala si Rizal na ang mga taong naniniwala sa himala ang siyang maituturing na mga tamad. Ang mga Kastila ay lubos ang paniniwala dito kaya masasabing sila ay higit na tamad kaysa mga katutubo na hinila nila sa ganitong paniniwala.

Dahil sa maling turo ng relihiyon, ang mga tao ay umasa sa awa ng Diyos. Sa bawa’t paghihirap na kanilang dinaranas, sila ay nananalig na magkakaroon ng himala. Hindi nila natutunan ang gumawa ng paraan bagkus natuto sila sa pakikipagsapalaran gaya ng sugal. Maraming Pilipino ang nahalina sa ganitong bisyo. Magpahanggang ngayon, ang sugal ay isa sa pinakapopular na gawain ng mga Pilipino sa pag-asang naririto ang kanilang suerte, na ang Diyos ay magbibigay himala sa kanila sa pamamagitan nito.

Sanhi ng diskriminasyon sa kulay, kahit na gaano pa katatalino ang mga Pilipino ay hindi sila binibigyan ng pagkakataon na manungkulan sa matataas na puwesto sa pamahalaan. Ang pinakamababa lamang na mga gawain ang ipinagkakatiwala sa kanila. Brutal din ang uri ng edukasyong ipinagkaloob ng mga Kastila sa mga Pilipino. Sabi nga ni Rizal, ang uri ng edukasyong ibinigay sa mga Pilipino ay hindi lamang brutal kundi nakawawalang gana at hindi makatao. Sanhi nito, napilay ang pagsisikap ng mga Pilipino. Sinabi ni Rizal na sanhi ng uri ng edukasyong ibinigay ng mga Kastila na nakapagpababa sa dignidad ng mga katutubo, namatay ang paggalang nila sa kanilang mga sarili at ganoon din sa kanilang kakayahan.

Kaugnay ng diskriminasyon sa kulay, matindi ang paniniwala ni Rizal na ang respeto at pagtitiwala sa sarili ay kailangan upang ang tao ay magkaroon ng pagmamahal sa paggawa at magkaroon ng inspirasyon na gumawa.

Sapagka’t alipin ang turing ng mga Kastila sa mga Pilipino, sila ay ipinagbibili. Isa ito sa naging sanhi ng kanilang katamaran. Naging napakalupit ng mga Kastila sa mga katutubong itinuturing nilang mga alipin. Ayon sa paglalarawan ni Rizal:

Ang ilan sa mga Indio ay nilalatigo hanggang sa mamatay. Ang mga kababaihan ay inaabuso at ang iba naman ay humahantong sa kamatayan dala ng matinding suliranin. Natutulog sila sa kaparangan kasama ang kanilang mga sanggol; sa mga kadawagang kanilang kinasadlakan ay inaaruga nila ang kanilang mga anak hanggang sa sila ay mamatay sanhi ng kagat ng mga nakalalasong insekto. Marami sa kanila ay pinapatay o kaya ay iniiwanan upang mamatay sanhi ng pagkain ng mga dahong may lason... at ang mga sanggol, sila ay pinapatay ng kanilang mga magulang pagkasilang pa lamang.

Ang kawalan ng motibasyon upang magkaroon ng gana sa paggawa ang mga katutubo ay isa sa naging sanhi ng sinasabing katamaran ng mga Pilipino, ayon kay Rizal. Tunay na sa panahon ng mga Kastila ay demoralisado ang mga Pilipino. Maraming patakaran ang pinaiiral ng pamahalaan na pumapatay sa hangarin ng mga Pilipino na gumawa. Ilan sa naging sanhi nang kanilang demoralisasyon ay ang polo o sapilitang paggawa kung saan sila ay hindi binabayaran. Napakahirap ng gawain sa ilalim ng patakarang ito, kung kaya maraming Pilipino ang ninais pang magbayad na lamang ng falla upang hindi sila maglingkod sa ilalaim ng patakarang polo. Dahil dito, sinabi ng mga Kastila na napakatamad ng mga Pilipino sapagka’t sila ay nagbabayad pa upang huwag lamang magtrabaho. Kaugnay din ng polo, ang mga Pilipinong walang kakayahang magbayad ng falla ay labis na nahihirapan hindi lamang sa uri ng trabaho na kanilang ginagawa kundi sila ay hindi rin [pinakakain ng maayos at hindi binibigyan ng maayos na tirahan.

Ang napakataas na buwis na ipinapataw sa mga Pilipino ay isa rin sa sanhi nangg kawalan nila ng interes na magtrabaho. Dahil sa napakataas na buwis na ipinapataw sa kanila ay halos wala nang natitira sa kanilang kita. Dagdag pa rito ay ang patakaran na ang mga ani ng mga katutubo ay ibebenta sa pamahalaan sa ilalim ng patakarang bandala. Napakamura lamang ng bayad na ibinibigay ng pamahalaan at kadalasan ay inuutang pa. Dahil dito, nawalan na nang ganag magtrabaho sa pataniman ang mga katutubo.

IV. SI RIZAL AT ANG KANYANG TEORIYA NG MOTIBASYON

Bilang isang sikolohista ay tiningnan ni Rizal ang motibasyon sa ganitong anggulo:

Ang tao ay naghahanapbuhay o gumagawa dahil sa may kadahilanan. Alisin mo ang kadahilanang ito, siya ay hindi mo mapagagalaw.

Sa mga sumusunod na pangungusap ay binigyan diin ni Rizal ang kanyang teoriya ng motibasyon:

Ipagkait mo sa tao ang kanyang dignidad at hindi mo lamang siya pinagkaitan ng kanyang lakas na moral kung hindi ginawa mo pa rin siyang walang silbi kahit pa sa mga taong may paghahangad na pakinabangan siya. Lahat ng nilalang ay may kanyang sigla, pinagkukunan ng lakas; ang lakas ng tao ay ang kanyang respeto sa kanyang sarili. Alisin mo ang repeto na ito sa kanya at magiging para siyang isang bangkay; ang sino mang naghahangad na kahit na ano sa isang bangkay ay walang makikita kundi mga uod lamang. Ito ang dahilan kung bakit ang mga Pilipino ngayon ay di na tulad nang unang dumating dito ang mga Kastila; mapapisikal man o mapamoral.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home